No. 4 most wanted ng Calabarzon, nasakote

November 9, 2018 1:47 PM

6 0

Nasakote ng Bacoor, Cavite police ang No. 4 most wanted ng PNP-Calabarzon na sangkot umano sa anim na beses na panggagahasa ng 10 taong-gulang na Grade 4 student.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Biyernes, nahaharap sa kasong statutory rape ang suspek na si Jessver Manaoag.

Nahuli siya sa operasyon kung saan nagpanggap pang namamalengke ang mga tauhan ng Bacoor police. Sa video, makikitang kung paano pinalibutan, dinikitan, sinunggaban at inaresto ang target na nagbebenta ng isda.

Ayon sa kuwento ng batang biktima sa pulisya, pinapupunta raw siya ng suspek tuwing nagsisimba ang kanyang magulang.

Tinakot din niya umano ang bata na huwag siyang magsusumbong kung hindi ay sasaktan niya ang kanyang pamilya.

Mariing itinanggi ni Manaoag ang mga paratang. Giit nito: "Kahit na isang beses po, wala akong iniutos sa bata o pinapunta sa bahay namin."

Positibo naman ang nanay ng biktima na si Manaoag ang gumawa ng krimen sa kanyang anak.

Source: gmanetwork.com

To category page

Loading...